NAIA naglunsad ng Automated Parking System para sa mas mabilis, maginhawang serbisyo
LUNGSOD NG MAYNILA - Sinimulan ng ipatupad ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), operator ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang automated parking system upang mas mapadali, mapabilis, at mapaganda ang karanasan ng ng mga pasahero at bisita.
Ang automated parking system ay nauna nang ipinatupad sa Terminal 3 noong ika-1 ng Marso, at nakatakdang ipatupad din sa Terminals 1 at 2 sa ika-14 ng nasabing buwan.
Upang higit pang mapabuti ang sistema, maglalagay ng real-time parking slot displays sa Terminal 3 pagsapit ng Abril, at sa Terminals 1 at 2 pagsapit ng Mayo. Sa ganitong paraan, makikita ng mga driver ang mga bakanteng paradahan bago pumasok.
Sa kasalukuyan, tanging bayad gamit ang cash ang tinatanggap, ngunit simula ika-14 ng Marso ay maaari nang gumamit ng GCash, Maya, debit, at credit cards bilang opsyon sa pagbabayad.
Sa bagong sistema, papasok ang mga sasakyan sa mga entrance na walang bantay, makatatanggap ng automated ticket, at lalabas gamit ang QR code-based system. Dahil dito, mas mabilis ang transaksyon at mas maayos ang daloy ng trapiko.
Sa Hulyo, magpapatakbo rin ng autopay stations sa lahat ng terminal upang higit pang mapadali ang proseso ng pagbabayad.