'High-value individual' timbog sa P340k ilegal na droga, baril sa Tarlac City
LUNGSOD NG TARLAC - Inaresto ng mga kapulisan ng Tarlac Police Provincial Office (PPO) ang isang 38-anyos na lalaking "high-value individual (HVI) sa Barangay Laoang, Tarlac City matapos makakitaan ng ilegal na droga at hindi lisensiyadong baril.
Ang operasyon ay isinagawa ng iba't ibang yunit ng pulisya batay sa search warrant na inilabas ng Executive Judge ng RTC Branch 111 na si Edwin Bonifacio.
Nakumpiska ng mga awtoridad sa suspek na residente ng nasabing barangay ang isang .45 caliber pistol na may bala, karagdagang mga bala, at tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php340,000, kasama ang iba pang gamit sa droga.
Maayos at mapayapa ang isinagawang pagsisiyasat, na kung saan naroon ang mga opisyal ng barangay, kinatawan ng Department of Justice, media, at ang mismong suspek upang saksihan ang imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya.
Pinuri naman ni Regional Director PBGEN Jean S. Fajardo ang mga operatiba at binigyang-diin ang patuloy na pagsisikap ng Philippine National Police laban sa ilegal na droga at baril.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Section 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).